Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 26, 2021): Pinakamataas at matatag na rebolusyonaryong pagsaludo ng BHB-Negros sa kabayanihan ng 10 Pulang mandirigma ng LPC-NPA!
JUANITO MAGBANUASPOKESPERSON
NEGROS ISLAND REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (APOLINARIO GATMAITAN COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
MARCH 26, 2021
Pinapakulo ng bawat dugo na inialay ng mga martir ang rebolusyon. Bahagi dito ang bagong tipo ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon sa pamumuno ng Communist Party of the Phillipines (CPP). Binibilang na mga imortal ang mga martir sa proseso ng pagtangan ng makatarungang rebolusyon. Ang kanilang mga kamatayan ang nagpapalagablab sa buong rebolusyonaryong pwersang nakikibaka at tumatanglaw sa landas ng kalayaan.
Pinakamataas na rebolusyonaryong pagsaludo ng Apolinario Gatmaitan Command-New People’s Army (AGC-NPA) kina Ka Troy, Ka Pido, Ka Diego, Ka Ayron, Ka Bong, Ka Jun, Ka Junas, Ka Mighty, Ka Jeck-jeck at Ka J.K. sa kanilang magiting at walang pagdadalawang-isip na pagharap sa pinakamataas na sakripisyo nang makalaban nila ang mga pasistang tropa ng 62nd IB, 16th Scout Ranger Company at 33rd Reconnaissance Company sa Sityo Agit, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental noong Marso 23, 2021, pasado 12:25 ng tanghali. Ang matingkad at nangangalit na apoy ng kanilang tapang ay gumagapang at magsisilbing dagdag na inspirasyon sa masang api at mga kasamang patuloy at walang pagod na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa mas mataas na antas hanggang sa tagumpay.
Kasama sa iba pang mga martir ng rebolusyon, ang kabayanihan ng lahat ng mga kasama ay dapat parangalan at isapuso ng bawat makapangyarihang masang api at pinagsamantalahan dito sa isla ng Negros. Kagaya ng sinabi ni Chairman Mao Zedong, “Ang kanilang kamatayan ay mas mabigat pa sa pinakamataas na bundok at ang kanilang mga dugo ay dadaloy tungo sa mga punlang magluluwal sa libu-libo pang mga Pulang mandirigma.”
Gayundin, mariing na kinukundena ng AGC-NPA ang walang awang pagpatay ng mga berdugong elemento ng 62nd IB kina Ka Jeck-jeck at Ka J.k., mga sugatang kasama na nakasilong sa masa sa Sityo Lower Goza, Barangay Trinidad, Guihulngan City. Noong Marso 24 kinuha sila ng nasabing mga tropang militar, dinala sa malayo at mabangis na pinatay. Nasa katayuang hors de combat o wala nang kakayahang lumaban pa ang mga kasama dahil mga sugatan ang mga ito at wala ng armas. Ito ay malinaw na paglabag sa batas ng digma batay sa Article 3 ng Geneva Conventions.
Bulaang ipinagmamayabang ito ng AFP/PNP bilang tagumpay at nagsasabing humihina na ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Ngunit ang makatarungang rebolusyonaryong digma na pinamumunuan ng CPP ay lalo pang aani ng malawak at malalim na suporta ng buong sambayanan lalunang si Duterte at kanyang tiranikong rehimen ay walang awat at walang pakundangang naghahasik ng terorismo laban sa mamamayan. Sila mismo ang numero unong rekruter ng NPA.
Naniniwala ang reaksyunaryong pwersa ng estado na matatapos nila ang rebolusyon sa pamamagitan ng pagpatay sa mga rebolusyonaryong pwersa. Kabiguan lamang ang naani ng nagdaang mga rehimen na durugin ang dakilang rebolusyonaryong pakikibaka sa pamamagitan ng paghasik ng terorismo laban sa mamamayan. Ang kasaysayan mismo ang magpapatunay na sila mismo ang naghuhukay ng kanilang libingan dahil sa kanilang desperadong mga hakbang. Ang maruming gera ni Duterte laban sa mamamayan ang hindi makapipigil sa lumalaki at lumalawak na pag-aalsa ng mamamayan dito sa isla laban sa kanyang tiraniya at hangaring diktadura.
Ang hindi mauunawaan ng naghahahring uri na ang 52 taon nang rebolusyon ay hindi pakikibaka ng iilan kundi pakikibaka ito ng milyun-milyong mamamayan para himuking mag-alsa dahil sa di matitiis na pang-aapi laluna sa kanayunan. Matabang lupa sa pagrerebolusyon ang malalang problema ng lipunan dulot ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at lokal na pyudalismo.
Higit pa, ang dedikasyon, tapang at sakripisyo ng maraming imortal na mga bayani at martir ng rebolusyon ang lalong sumisindi sa naglalagablab na kapangahasan ng masang api na matagumpay na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon para makamit ang hangad ng mamamayan para sa tunay na demokrasya at kalayaan.
Mapulang saludo!
Mabuhay ang mga bayani at martir ng rebolusyon!
Mabuhay ang ika-52 anibersaryo ng NPA!
https://cpp.ph/statements/pinakamataas-at-matatag-na-rebolusyonaryong-pagsaludo-ng-bhb-negros-sa-kabayanihan-ng-10-pulang-mandirigma-ng-lpc-npa/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.