Wednesday, August 30, 2023

CXPP/NDF-Southern Tagalog: Manggagawa, patatagin ang pagkakaisa, labanan ang pang-aatake ng estado

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 22, 2023): Manggagawa, patatagin ang pagkakaisa, labanan ang pang-aatake ng estado (Workers, strengthen unity, resist state aggression)
 


Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

August 22, 2023

Kasama ang laksang mamamayang Pilipino, kinukundena ng NDFP-ST ang tuluy-tuloy na pang-aatake ng estado sa kilusang paggawa. Sa Timog Katagalugan, tuluy-tuloy ang mga kaso ng pagbabanta at intimidasyon sa mga lider-manggagawa at kanilang mga unyon na pinangungunahan ng Task Force-Ugnay ng NTF-ELCAC at mga pwersa ng AFP-PNP.

Pinakahuling inulat na biktima ng sarbeylans at panghaharas ng estado si Mario Fernandez, tagapangulo ng alyansang Organized Labor Associations in Line Industries and Agriculture (OLALIA), noong Agosto 5. Dinikitan at sinubaybayan siya nang buong araw ng isang lalaking nagpakilalang kasapi ng UMPHIL, ang organisasyong itinayo ng Philfoods, Inc. upang tapatan ang Unyon ng mga Panadero ng Philfoods Fresh Baked Products, Inc. (UPPFBPI). Nang akmang irerekord ni Fernandez ang panghaharas sa kanya ay binantaan siya ng di nagpakilalang lalaki. Pananakot niya, may hawak umano siyang mga litrato at personal na impormasyon ni Fernandez. Naganap ang pangyayari bago matapos ang pre-election conference ng UPPFBPI-OLALIA. Tinatayang pakana ito ng UMPHIL upang guluhin ang nakatakdang Sole and Exclusive Bargaining Agreement (SEBA) process ng UPPFBPI-OLALIA.

Tuluy-tuloy ang pagbabahay-bahay ng NTF-ELCAC sa mga lider at kasapi ng unyon. Isang matingkad na halimbawa nito ang karanasan ng mga kasapi ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union na hinaharas at pinipilit ng NTF-ELCAC na itakwil ang OLALIA, Kilusang Mayo Uno at lahat ng mga kaalyadong unyon.

Magkasabwat ang estado at mga kapitalista sa pagsupil sa pakikibaka ng mga manggagawa. Kasabay ng pandarahas ng mga armadong pwersa ng estado, gumagawa ng mga iskemang pambubuwag ng unyon ang mga kapitalista. Ang malawakang tanggalan sa Wyeth Philippines noong Mayo na magdidisempleyo ng 140 manggagawa ay malinaw na pakana para lansagin ang unyon. Kasapi ng unyon ang 125 na tatanggalin habang upisyal pa ng unyon ang sampu sa mga ito. Ang Wyeth Philippines ay pagmamay-ari ng conglomerate na Nestle na may mahaba at madugong rekord sa pagsupil sa unyon.

Desperado ang mga kapitalista na buwagin ang mga militanteng unyon upang malayang pagsamantalahan ang mga manggagawa at pumiga pa ng labis-labis na tubo sa gitna ng krisis. Ginagamit nito ang AFP-PNP upang supilin ang paglaban ng mga manggagawa lalo sa panahon ng mga welga kagaya ng pang-aatake sa mga manggagawa ng Wyeth Philippines, Gardenia Bakeries Philippines Inc. at iba pa. Sukdulang pinapaslang nila ang mga lider-manggagawa kagaya nina Emmanuel Asuncion ng BAYAN-Cavite na kabilang sa Bloody Sunday Massacre noong Marso 7, 2021 at Dandy Miguel na tagapangulo ng unyon sa Fuji Electric noong Marso 28, 2021. Bago paslangin, walang tigil na nired-tag ang mga biktima.

Kailangang higit na patatagin ang pagkakaisa ng mga manggagawa sa pamamagitan ng kanilang mga militanteng unyon upang maipagtanggol ang kanilang sarili sa pang-aatake ng estado. Sa panahong ito, higit na kailangang pagtibayin ang samahan at huwag maglubay sa pakikibaka upang makamit ang kanilang demokratikong karapatan.

Hindi dapat umatras, bagkus dapat ibayong sumulong ang pakikibaka para sa taas sahod. Malaon nang binabarat ang sahod ng mga manggagawa na wala pa sa kalahati ng family living wage (FLW) o halagang kailangan para disenteng mabuhay ang isang lima-kataong pamilya. Nasa P470 lamang ang pinakamataas na minimum wage sa CALABARZON, malayong malayo sa P1,082 na FLW rito habang P355 ang minimum wage sa MIMAROPA na may P1,162 na FLW (Abril 2023). Higit na kailangan nila ito sa gitna ng pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Nararapat ding isulong ang regularisasyon sa trabaho at ang pagbibigay-garantiya sa kaligtasan sa paggawa para hindi maulit ang insidente ng pagkamatay ng dalawang manggagawa sa SM City Santa Rosa nito lamang Agosto 3. Gayundin, nararapat bigyang kompensasyon ang mga manggagawang napinsala sa paggawa.

Samantala, makakaasa ang manggagawang Pilipino sa rebolusyonaryong kilusan na isusulong nito ang kagalingan at interes ng kanilang uri. Ganap na matatamo ang karapatan ng manggagawa sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Bukas ang mga sonang gerilya sa mga manggagawang naghahangad ng pagbabago at hustisyang panlipunan, lalo sa yaong nanganganib ang buhay at naghahangad na ipagtanggol ang sarili mula sa estado.

Nararapat makiisa at manguna ang manggagawang Pilipino sa pakikibaka ng buong bayan para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya. Pagsanibin ang kanilang lakas sa iba pang uri upang gapiin ang pasismo. Pamunuan ang rebolusyon at hawanin ang landas para maitayo ang makatarungang lipunang minimithi ng lahat ng masang api, laluna ang anakpawis.###

https://philippinerevolution.nu/statements/manggagawa-patatagin-ang-pagkakaisa-labanan-ang-pang-aatake-ng-estado/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.