Monday, July 24, 2023

CPP/NDF-PKM-Cagayan Valley: Opisyal na Pahayag ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – Cagayan Valley sa RA 11953 o New Agrarian Emancipation Act at ikalawang SONA ng rehimeng US-Marcos IIItaguyod ang rebolusyong agraryo! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 23, 2023): Opisyal na Pahayag ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – Cagayan Valley sa RA 11953 o New Agrarian Emancipation Act at ikalawang SONA ng rehimeng US-Marcos IIItaguyod ang rebolusyong agraryo! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! (Official Statement of the National Association of Farmers - Cagayan Valley on RA 11953 or the New Agrarian Emancipation Act and the second SONA of the US-Marcos III regime, Support the agrarian revolution! Advance the people's democratic revolution!)
 


Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Cagayan Valley
NDF-Cagayan Valley
National Democratic Front of the Philippines

July 23, 2023

Hindi kalutasan sa maraming siglo nang pagkaalipin ng mga pesante ang pagsasabatas ng rehimeng US-Marcos II sa RA 11953 o New Agrarian Emancipation Act. Hanggat walang tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon at pagpapaunlad sa kanayunan, hindi lalaya ang mga magsasaka sa tanikala ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala at pagkasupil sa pulitika.
Magsasaka, tunay na may-ari ng lupa

Walang dapat ipagmalaki ang rehimen dahil masaklap ang katotohanan na inabot pa ng mahigit tatlong dekada bago “i-condone” o pinatawad ang aabot sa halos P60 bilyong hindi nabayarang amortisasyon, interes at surcharge ng kabuuang 610,054 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na sumasaklaw sa 1.2 milyong ektarya ng lupa kung saan 2,500 dito ay mga magsasaka ng Cagayan Valley. Patunay lamang ito sa kawalan ng tunay ng reporma sa lupa at samakatwid ay naging pahirap at pasanin ng mga magsasaka ang napakamahal na amortisasyon at interes sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Kung tutuusin, napakaliit lamang ng naturang mga benepisyaryo kumpara sa mga magsasakang walang sariling lupa at kulang ang lupang sinasaka gayundin ang mga hindi saklaw ng CARP na aabot sa mahigit pitong milyong magbubukid at mahigit pitong milyong ektaryang lupain dahil halos isang dekada nang walang programa para sa pamamahagi ng lupa sa ilalim huwad na programa. Sa isang estadong interes ng dayuhan at negosyo ang batas, baligho ang mangarap na may maisasabatas na tunay na reporma sa lupa.

Sa pinakaubod, magsasaka ang tunay na nagmamay-ari ng lupang “pinatawad” ang utang. Inagaw lamang ng mga kolonyalistang Kastila ang malalawak na lupain sa Pilipinas, nagsalin-salin ang pagmamay-ari sa salinlahi ng mga ganid na panginoong maylupang nangamkam, nakabili o nakasangla. Mula’t sapol magsasaka ang nagbukas, naghawan, nagpaunlad at nagpayaman sa lupa saka sila pinagbabayad ng estado ng mga ganid sa hindi man lamang nadungisan ng lupa ang mga kamay! At ngayon, sinasabing pinatatawad na sila sa pagkakautang. Sino ang may utang kanino?

Mananatiling nasa bingit ng gutom at paghihikahos ang mga lumilikha ng pagkain sa bansa hangga’t ang estado ng panginoong maylupa-malaking burgesya kumprador ang nagpapanday ng batas. Sa rehiyon ng Cagayan Valley, kontrolado ng mga burukrata kapitalista at mga usurero-komersyante-panginoong maylupa ang malalawak na lupaing agrikultural. Hawak sa leeg ng mga ito ang mga magsasaka sa napakataas na interes sa pautang na batay sa pag-aaral ay aabot sa 30-45% sa bawat taniman. Ang kapirasong lupang pinaunlad ng ilan nang henerasyon ay kisap-matang nawawala bilang mga kolateral.

Dahil sa malapyudal na sistema, walang ibang pagpipilian ang mga magsasaka kundi ang pagsasakang nakabatay sa dikta ng imperyalistang korporasyon at mga usurero-panginoong maylupa—klase ng pananim at binhi, presyo ng mga pestisidyo at abono, interes sa pautang, pati presyo ng naaning produkto. Binabalikat ng mga magsasaka sa ilang dekada nang walang habas na paggamit ng agrokemikal ang pagkasira ng lupa maging ng biodiversity.
Estadong kontra-magsasaka

Nag-uumapaw ang kayabangan ng rehimeng US-Marcos II sa pagiging sekretaryo ng Kawanihan ng Agrikultura gayung lalong sumadsad ang kalagayang pang-agrikultura ng bansa. Wala na ngang suporta sa pagsasaka, pabigat pa na pasanin ang bigwas ng papalaking kantidad ng importasyon sa paparaming produktong agrikultural, pagpapasa ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at pagpapatuloy ng Rice Tarrification Law ng rehimeng US-Duterte. Hindi lang kapabayaan sa magsasaka ang kasalanan ng mapagsamantalang estado, nandadaya at nanlilinlang pa sa lala at epekto ng implasyon habang nakatanghod lang sa di maampat-ampat na pagsirit ng presyo ng langis at produktong petrolyo sa kabila ng malaking bahagi ng gastos sa palayan at krudo para sa mga waterpump at iba pang makinarya. Ang huling nakamamatay na kasalanan ng papet na estadong ito ay ang pagiging sunud-sunuran sa patakarang neoliberal na siyang sumasakal nang mahigpit sa mga magsasaka. Tunay na kontra-magsasaka ang bulok na estado sa pamamahala ngayon ng rehimeng US-Marcos II.
Lumalalang pasismo ng estado

Hindi ligtas ang mga pambansang minorya at magsasakang pinalayas sa kapatagan at itinaboy sa pinakaliblib at sulok ng kabundukan dahil sa mga mapanlinlang na iskema at pasismo ng estado. Sa tabing ng NGP, rubber tree plantation at pagmimina, pinapasok ng DENR, NCIP, NIA, NTF-ELCAC at iba pang ahensya ang mga lupang sinasaka ng mga katutubo at inagaw ito sa kanila, na pinasahol ng whole-of-nation approach sa ilalim ng EO 70. Sa pamamagitan nito, binigyang katwiranan ang pasismo ng AFP-PNP upang supilin ang paglaban ng mga magsasaka para sa kanilang mga demokratikong karapatan. Ngayon higit kailanman, humaharap ang masang magsasaka sa rehiyon sa nakaambang panganib sa pagtatayo ng EDCA sites. Maghahatid ito ng tiyak na kapahamakan sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka sa harap ng banta sa pag-atake o kontra-atake ng China.
Daan sa paglaya ng magsasaka

Panlilinlang lamang ang RA 11953 o New Agrarian Emancipation Act. Kasaysayan na ang patunay na kung walang pambansang industrialisasyon at pagpapaunlad sa kanayunan, maibebenta o maisasangla lamang ng magsasaka ang lupa. Malaking bahagi ng gastusin ng magsasaka ang mahal na abono at pestisidyo, upa sa makinarya o manggagawang bukid, patubig at iba pa. Sa kakulangan o kawalan ng puhunan, kanino pa nga ba naman, maisasangla o maibebenta ang lupa kundi sa mga usurero-panginoong maylupa, mga malaking burgesya kumprador at burukrata kapitalista. Naglipana na ang mga resort, mga subdivision, plantasyon at “farms” na hindi farmer ang may-ari.

Samakatwid, hanggat nananatiling malapyudal ang moda ng produksyon sa isang malakolonyal na estado, hindi lalalaya ang mga magbubukid mula sa pagsasamantala. Magkakaroon lamang ng katuparan ang ilang siglo nang hangarin ng mga magsasaka na ariin ang lupang binubungkal sa pagtayo ng estado ng mga demokratikong uri na siyang titiyak na hindi makapanumbalik ang paghahari at pagsasamantala ng malaking burgesya kumprador-panginoong maylupa at mga bulok na burukrata kapitalista.

Tanging ang daan ng rebolusyonaryong kilusang magsasaka ay ang pagsusulong ng armadong pakikibaka, pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pagtatayo ng mga kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Batay sa kakayahan at pampulitikang lakas, ipatutupad ang maksimum na programa, ang mga nakumpiskang lupa ay libreng ipapamahagi sa mga wala at kulang ang lupang sinasaka. Sa kagyat at sa malawak na saklaw, hakbang-hakbang na ilunlunsad ang mga minimum na programa–ang pagpapaba sa upa sa lupa hanggang sa tuluyan na itong mawala, pagpapababa sa interes ng pautang, pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang-bukid at pagpapataas sa produksyon.

Kailangang pasiglahin ng rebolusyonaryong kilusang magsasaka ang pagsusulong sa armadong pakikibaka bilang digmang magsasaka. Kailangan makipagkumbina ang digma ng magsasaka sa malaganap, masinsin at papasidhing armadong pakikibaka ng NPA kasabay ng pagsuporta ng iba’t ibang pampulitika at pang-ekonomyang pakikibaka ng mamamayan. Pagsikapan itong ituloy-tuloy hanggang mapabagsak ang estado ng naghaharing-uring mapagsamantala.

Sa tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon, matitiyak ang karapatan sa lupa ng magsasaka, maging ang pag-unlad ng produksyon. Sa kolektibisado at kooperatibisadong agrikultura kasabay ng pagpapaunlad sa kanayunan at pambansang industriyalisasyon, saka lamang makakalaya ang mga magsasaka mula sa kahirapan, kamangmangan at pagkasupil.

Sagot sa kahirapan, digmang bayan!
Isulong at ipagtagumpay pambansa demokratikong rebolusyon!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

https://philippinerevolution.nu/statements/itaguyod-ang-rebolusyong-agraryo-isulong-ang-demokratikong-rebolusyong-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.