Friday, February 10, 2023

CPP/NDF-Mindoro/NDF Southern Tagalog: Ilitaw si G. Elyong! Panagutin ang reaksyunaryong estado sa terorismo nito sa Mindoro!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 9, 2023): Ilitaw si G. Elyong! Panagutin ang reaksyunaryong estado sa terorismo nito sa Mindoro! (Bring out Mr. Elyong! Hold the reactionary state accountable for its terrorism in Mindoro!)
 


Ma. Patricia Andal
Spokesperson
NDF-Mindoro
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

February 09, 2023

Kinukundena ng NDFP-Mindoro ang pagdukot ng pasistang 203rd Brigade kay G. Elyong, residente ng Sitio Sinariri, Brgy. Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro, umaga ng Pebrero 6. Dapat ilitaw si G. Elyong at ibalik sa kanyang pamilya’t komunidad na labis nang nag-aalala sa kanya.

Sa ulat na nakalap ng NDFP-Mindoro, dinukot si G. Elyong sa kanilang sityo habang papunta sa tindahan para bumili ng kape. Kinuha siya ng sampung sundalo sa harap ng mga residente nang walang ipinapakitang kasulatan o paliwanag sa dahilan ng pagdakip. Walang nakakaalam kung nasaan ang biktima hanggang ngayon. Samantala, nananatili ang 20 sundalo sa sityo na patuloy sa pananakot sa mga residente.

Halang ang kaluluwa ng reaksyunaryong 203rd Brigade sa walang habas na pang-aatake sa mamamayang Mindoreño. Ikalawa itong kaso ng pagdukot ng militar sa mga inosenteng sibilyan sa Mindoro sa ilalim ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte. Unang kaso ang pambubugbog at pagdukot kay G. Kitot, isang Mangyan-Hanunuo mula sa Sitio Gaang ng nasabing Barangay noong Setyembre 22, 2022. Hindi pa rin malinaw ang kinaroroonan at kalagayan ni G. Kitot hanggang sa kasalukuyan.

Garapalan ang paghahasik ng terorismo ng 203rd Brigade sa lantarang pandurukot at pandarahas sa mga sibilyang tulad ni G. Elyong. Pagpapairal ito ng de facto Martial Law kung saan inaatasan ng estado ang mga militar na magsagawa ng mga kahindik-hindik na krimen upang kitlin ang mapanlabang diwa ng nakikibakang mamamayan. Sa ganitong paraan inihahanda ng mga reaksyunaryo ang daan para ipatupad ang mga proyektong sang-ayon sa interes ng naghaharing-uri subalit sagka sa interes ng mahihirap. Matatandaang dati nang pinaglalawayan ang malawak na lupain ng Barangay Panaytayan upang gawing plantasyon ng kahoy, pastuhan at tayuan ng mga di-kinakailangang proyekto at negosyo.

Kinamumuhian ng mga Mindoreño ang mga palalong pulis at militar na walang ibang ginawa kundi isadlak sila sa kahirapan. Ang galit na ito ang nagpapasiklab sa kanilang determinasyong biguin ang pasistang pakana ng reaksyunaryong estado. Dapat magbigkis ang mamamayang Mindoreño at ubos-kayang ilantad, tutulan, at labanan ang de facto Martial Law na ipinapataw ng berdugong pulis at militar sa kanayunan. Kalampagin ang mga lingkod-bayan at magkaisa upang palayasin ang pasistang sundalo sa mga pamayanan.

Hinahamon din ng NDFP-Mindoro ang alkalde ng Mansalay na si Ferdinand Maliwanag na gumawa ng hakbangin para hanapin at bigyan ng katarungan ang mga biktima ng pandurukot ng 203rd Brigade. Dapat harapin at panagutin ang palalong militar sa katauhan ni BGen. Augusto Villareal sa humahabang tala ng kanilang kasalanan sa mga Mindoreño.

Sa tumitinding paniniil ng reaksyunaryong rehimen at armadong pwersa nito, walang ibang dapat sulingan ang mamamayan kundi ang makatarungang landas ng demokratikong rebolusyong bayan. Makakaasa ang mamamayang Mindoreño na aabutin ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya ang mga utak-pulburang militar at sundalo at ang pinagsisilbihan nitong naghaharing-uri! Determinado ang rebolusyonaryong kilusan sa isla na biguin ang kampanyang supresyon at panunupil ng pasista at ilehitimong rehimeng US-Marcos II!

Ilitaw at palayain si G. Elyong!
Hustisya para sa mga biktima ng pasistang pulis at militar!
Panagutin ang 203rd Brigade sa mga kaso nito laban sa mamamayang MIndoreño! Digmang bayan, sagot sa de facto Martial Law!

https://philippinerevolution.nu/statements/ilitaw-si-g-elyong-panagutin-ang-reaksyunaryong-estado-sa-terorismo-nito-sa-mindoro/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.