Friday, April 15, 2022

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Pag-aresto sa nominado ng Anakpawis Party-list, kinundena

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 9, 2022): Pag-aresto sa nominado ng Anakpawis Party-list, kinundena (Arrest of Anakpawis Party-list nominee, condemned)
 





April 09, 2022

Nagprotesta ang mga aktibista at progresibo kaninang hapon sa harap ng Commission on Human Rights sa Quezon City para kundenahin ang pag-aresto sa lider-magsasaka at nominado ng Anakpawis Party-list na si Isabelo ‘Buting’ Adviento. Matagal nang ginigipit ng mga pwersa ng estado si Adviento at ilang ulit nang sinubukang arestuhin sa gawa-gawang mga kaso.

Dinampot si Adviento ng 30 elemento ng Philippine National Police-Region 2 habang nasa isang kainan sa Bayombong, Nueva Vizcaya gabi ng Abril 8. Tulad sa ibang mga kaso ng panggigipit, sinampahan siya ng kasong illegal possession of firearms and explosives at pinararatangang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.

Ayon sa Anakpawis Party-list, simula pa Marso 2018 ay target na si Adviento ng kampanyang red-tagging at pekeng balita ng lokal na ahensya ng National Task Force-Elcac, at mga yunit ng pulis at militar.

“Ngayong Araw ng Kagitingan, mariin naming kinukundena ang atake sa isang makabayan at patriyotikong lider-masa sa Cagayan Valley, na ang mga huling naging aktibidad ay pawang mga relief mission sa mga komunidad na nasalanta ng bagyo sa mga nakaraang taon at pagtulong sa mga magsasaka sa kanilang mga suliranin sa lupa,” ayon kay Ariel Casilao, Pambansang Pangulo ng Anakpawis Party-list.

Noong Nobyembre 2021, binuo ng mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao ang kampanyang ‘Hands Off Isabelo Adviento’ para humingi ng ligal na tulong sa Commission on Human Rights, Department of Justice at iba pang ahensya para tugunan ang kinakaharap na panggigipit at red-tagging kontra kay Adviento.

Nagsumite rin ng mga resolusyon ang Makabayan Bloc sa kongreso para imbestigahan ang naganap na reyd sa bahay ni Adviento noong Disyembre 2020 kung saan higit isandaang armadong pwersa ng estado ang sapilitang pumasok sa kanyang bahay at nagtanim ng mga “ebidensyang baril at pampasabog.”

“Napakalaking pagkakamali ng mga pasista ang pagtarget kay Ka Buting, dahil bumabaha ang ebidensya na siya ay ligal na aktibista. Mismong kung saan siya inaresto ay nangangahulugan na hindi siya konektado sa mga armadong grupo na binabanggit sa black propaganda sa kanya,” salaysay ni Casilao.

Panawagan ngayon ng mga iba’t ibang grupo ang kagyat na pagpapalaya kay Adviento at pagbabasura sa mga gawa-gawang kasong isinampa laban sa kanya.

https://cpp.ph/angbayan/pag-aresto-sa-nominado-ng-anakpawis-party-list-kinundena/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.