Posted to Kalinaw News (Dec 1, 2021): Dalawang NPA nagbalik-loob sa pamahalaan dala ang kanilang armas; pampasabog at mga gamit medikal ng teroristang grupo, nadiskubre sa Kalinga
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Nagbalik-loob sa pamahalaan ang dalawang miyembro ng teroristang Komiteng Larangang Guerilla-AMPIS, Ilocos-Cordillera Regional Committee dala ang kanilang mga baril habang nadiskubre rin ng kasundaluhan ang ilang mga pampasabog at gamit medikal ng teroristang grupo noong ika-28 ng Nobyembre taong kasalukuyan sa probinsya ng Kalinga.
Sa bayan ng Pinukpuk, kusang sumuko sina alyas Berto, tatlumpung taong gulang, miyembro ng Squad 1 at alyas Ben, dalawampu’t siyam na taong gulang, miyembro ng Squad 3 ng nasabing grupo sa pinagsanib na pwersa ng 50th, 54th, at 98th Infantry Battalions. Bitbit ni alyas Berto sa kanyang pagsuko ang isang M14 rifle, dalawang magazine na naglalaman ng 15 na mga bala ng M14; habang dala naman ni alyas Ben ang isang cal. 30mm carbine na may isang magazine na naglalaman ng pitong bala.
Habang sa bayan naman ng Balbalan, nadiskubre ng tropa ng 50IB ang mga kagamitang pandigma ng Communist NPA Terrorists (CNTs).
Sa impormasyong ibinigay ng isang Former Rebel sa kasundaluhan ukol sa nakaimbak na mga kagamitang pandigma ng mga miyembro ng teroristang grupo, agad na nagsagawa ng operasyon ang tropa ng 50IB upang kumpirmahin ang nasabing impormasyon. Nang kanilang puntahan ang naturang lugar, tumambad sa kanila ang apat na anti-personnel mines, tatlong rifle grenade at mga gamit pang medical tulad ng tatlong anesthesia, anim na pirasong syringe, tatlong bandage, apat na intravenous fluids, isang dextrose, at isang set ng surgical kit. Kabilang din sa mga nakuha ang mga subersibong mga dokumento. Ang mga naturang nadiskubreng kagamitan ay dinala na sa Barangay Salegseg, Balbalan, Kalinga para sa kaukulang disposisyon.
Nagpaabot ng pasasalamat si LtCol Melanio Somera, Battalion Commander ng 50IB sa Former Rebel na nagbigay ng impormasyon upang makumpiska ang mga kagamitang pandigma at pang medikal ng mga teroristang grupo. Kanya ring pinasalamatan ang ginawang pagsuko ng dalawang NPA bitbit ang kanilang armas.
Ikinalugod naman ni BGen Santiago Enginco, Commander ng 503rd Infantry Brigade ang naging pagsuko ng dalawang NPA dala ang kanilang armas at ang maagap na pagtugon ng 50IB sa impormasyong ibinahagi sa kanila na nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga gamit pandigma ng teroristang grupo. Aniya, isa lamang ito sa mga patunay sa di makataong gawain ng mga CNTs. “Ang pagkakadiskubre ng mga pampasabog ng mga NPA ay patunay lamang sa kanilang mga hindi makataong gawain. Labag sa International Humanitarial Law ang paggamit ng mga anti-personnel mines. Sa pagkakataong ito, napigilan natin ang planong paghasik ng takot ng teroristang grupo sa tulong ng ating former rebel. Hindi magpapabaya ang kasundaluhan sa rehiyong Cordillera upang protektahan ang mga mamamayan laban sa karahasan at panggigipit ng mga miyembro ng teroristang grupo.”
Hinikayat naman ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division ang mga natitira pang mga miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob na sa pamahalaan. “Sa nalalabi pang mga kasapi ng teroristang grupo, ang pinakamagandang aguinaldo na maibibigay ninyo sa inyong pamilya ay ang makasama sila ngayong kapaskuhan. Ang paglantad at pagsuko sa otoridad ang regalo naman ninyo sa inyong sarili, upang hindi na kayo nagtatago sa batas.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/dalawang-npa-nagbalik-loob-sa-pamahalaan-dala-ang-kanilang-armas-pampasabog-at-mga-gamit-medikal-ng-teroristang-grupo-nadiskubre-sa-kalinga/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.