Posted to Kalinaw News (Aug 28, 2021): Kwebang imbakan ng mga armas at kagamitan ng mga CNT nakubkob; mga bala at baril narekober!
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Nakubkob ng kasundaluhan ng 50th Infantry Battalion ang kwebang imbakan ng mga armas at gamit ng mga Communist NPA Terrorists (CNTs) sa bahagi ng Sitio Ligayan, Barangay Balantoy, Balbalan, Kalinga noong ika-27 ng Agosto taong kasalukuyan.
Sa pamamagitan ng impormasyon na ibinahagi ng mga residente sa tropa ng pamahalaan, narekober ang isang M16 rifle na baril, long magazine na naglalaman ng 20 piraso na mga bala, isang bandolier, tatlong metro ng electrical wire, tatlong tent, iba’t-ibang mga gamot, subwersibong mga dokumento, at ilang mga personal na kagamitan. Ang mga ito ay natagpuan sa isang kweba na ginawang imbakan ng armas ng mga CNTs.
Ayon sa mga residente, kanilang ibinahagi ang naturang impormasyon upang wala nang rason na daanan pa ng mga miyembro ng teroristang grupo ang kanilang lugar. Anila, hindi katanggap-tanggap ang presensya ng naturang grupo sa kanilang lugar dahil sa takot at kaguluhan na dulot ng mga CNT. Dagdag pa rito, ang kanilang pakikipagtulungan ay tanda umano ng kanilang pakikiisa sa hangarin ng pamahalaan na masugpo ang insurhensiya. Sinabi pa ng mga residente na naideklara nilang Persona Non Grata ang mga teroristang grupo sa kanilang lugar. Kung kaya, hindi na umano nila hahayaan pang maagaw sa kanila ng teroristang grupo ang kapayapaan at kaunlaran.
Samantala, nagpasalamat naman si Major General Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division sa pakikipagtulungan ng mga residente upang tapusin ang insurhensiya sa kanilang lugar. Aniya, ang mga residente ang makikinabang sa kanilang pagsuporta sa panig ng pamahalaan. “Lubos ang aking pasasalamat sa inyong pakikipagtulungan tungo sa kapayapaan at kaunlaran ng inyong lugar. Nawa’y hindi kayo magsasawa sa pagbibigay ng suporta sa inyong kasundaluhan. Tulung-tulong tayo sa pagkamit ng ating inaasam-asam na mapayapa at maunlad na bansa.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/kwebang-imbakan-ng-mga-armas-at-kagamitan-ng-mga-cnt-nakubkob-mga-bala-at-baril-narekober/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.