Thursday, April 22, 2021

Tagalog News: WONA-ELCAC, pinaigting sa Cordillera at Cagayan

From the Philippine Information Agency (Apr 20, 2021): Tagalog News: WONA-ELCAC, pinaigting sa Cordillera at Cagayan (By Peter A. Balocnit)

TABUK, Kalinga, April 20 (PIA) - - Pinaigting pa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Whole-of-Nation Approach (WONA) to End Local Communist Armed Conflict na kung saan naging aktibo rin ang mga mamamayan sa pagtulong sa gobyerno laban sa insurhensiya sa mga rehiyong Cordillera at Cagayan.

Naisalarawan naman ng kasundaluhan ng 50th Infantry Battalion kasama ang mga CAFGU Active Auxiliary ang bayanihan nang nakibahagi kamakailan sa Brigada Eskwela na inilunsad sa Tappo Elementary School sa Tappo, Pinukpuk, Kalinga.

Layunin nito na maipabatid sa mga kabataan ang kahalagahan ng pag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemya. Malaki rin ang naging pasasalamat ni Ginang Jonalyn Guitering, Brigada Coordinator, sa tulong ng mga kasundaluhan. Aniya, bagamat tumutugon din sa paglaban sa pandemya ang kasundaluhan, hindi sila nagdalawang isip na makipagtulungan sa kanilang aktibidad.

Sa bahagi ng Bontoc, Mountain Province, nakatanggap ng tulong pinansyal ang apat na mga dating miyembro ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa ilalim ng firearm remuneration ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program.

Sa tulong ng kasundaluhan ng 54th IB, ipinasakamay kamakailan ni Department of the Interior and Local Government Provincial Director Anthony Manolo Ballug ang kabuuang PhP370,000 na halaga ng tulong pinansyal sa mga dating miyembro ng rebeldeng grupo matapos maibaba ang kani-kanilang mga armas kasabay ng kanilang pagbabalik-loob sa gobyerno noong nakaraang taon.

Sa bayan ng Tinoc, Ifugao, naipamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang kanilang fisheries livelihood project na nagkakahalaga ng isang milyon piso noong ika-4 ng Abril taong kasalukuyan. Naipagkaloob ng naturang tanggapan ang rice and fish, at pond demo culture sa 29 na mangingisda na mula sa mga barangay ng Binablayan, Danggo, Luhong, Tukukan, at Wangwang.
Ang naturang pangkabuhayan ay naglalaman ng fingerlings at feeds na kinakailangan sa kabuuang proseso ng demo culture.

Alinsunod naman sa kagustuhang tuluy-tuloy na katahimikan at pag-unlad sa lalawigan ng Isabela, pinangunahan ni BGen Danilo D Benavidez, Commander ng 502nd Infantry Brigade ang pagpupulong ng Peace, Law Enforcement, and Development Support Cluster ng Provincial Task Force- ELCAC upang mapag-usapan ang mga susunod na hakbang upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran para sa mga residente ng naturang lalawigan.

Bukod dito, dahil sa mga ikinasang Community Support Program ng 86IB kasama ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa Barangay San Francisco Sur, San Guillermo, Isabela, namulat ang mga residente sa panlilinlang ng CPP-NPA-NDF.

Kamakailan, tinuligsa nila ang mga karahasan at pang-aabuso ng mga teroristang grupo sa pamamagitan ng kanilang isinagawang indignation rally. Idineklara namang Persona Non Grata ng Palanan, Isabela ang mga teroristang CPP-NPA sa kanilang bayan sa bisa ng isang resolusyon na pinagtibay naman ng mga mamamayan sa nasabing bayan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa hanay ng kasundaluhan.

Nagkaisa ang mga lokal na lider at ang mga residente ng naturang bayan na protektahan ang kanilang mamamayan laban sa banta ng teroristang CPP-NPA. Kanila ring siniguro ang kanilang kooperasyon at pakikipagtulungan sa hanay ng 95IB upang wakasan ang insurhensiya sa kanilang lugar.

Hindi na rin mapigilan pa ang mga residente sa bayan ng Baggao, Cagayan sa pagsasagawa ng Peace Rally kontra sa teroristang CPP-NPA sa tulong na rin ng 77IB. Magkakasunod na nagsagawa ng peace rally ang mga barangay ng Carupian, Bunugan, Taguing, Ibulo, Bitag Grande, Hacienda Intal, Asinga Via, San Vicente, Bagunot, at Sta Margarita upang ipakita sa mga miyembro ng CTG na hindi sila katanggap-tanggap sa kanilang lugar.

Ayon kay Ka Ferde, isa sa mga nagbalik-loob, itinuring lamang silang alipin at utusan ng mga kadre ng teroristang CPP-NPA. Sapilitin silang ginagawang tagahatid ng mga pagkain at armas ng mga rebelde. Bukod dito, ginagawa rin silang espiya laban sa tropa ng pamahalaan.

Aniya, kung hindi sila susunod sa kagustuhan ng mga kadre ay tinatakot at pinagbabantaan ang kanilang buhay kasama ang kanilang pamilya. “Sobrang paghihirap ang aming naranasan dahil sa pagmamando ng mga NPA. Kinokontrol nila kami at pinagbabantaan. Natatakot kaming suwayin ang utos nila dahil baka madamay ang aming pamilya. Wala kaming magawa kundi sumunod sa kanila kahit labag sa aming kalooban pati na rin sarili naming pamilya ay napabayaan narin,” emosyonal na pagbabahagi ni Ka Ferde sa kanyang naging karanasan sa mga teroristang CPP-NPA.

Ikinagalak naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division ang naging pagkakaisa ng bawat mamamayan at pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan upang ipagtabuyan ang mga rebeldeng CPP-NPA sa kani-kanilang mga lugar. Aniya, malaking bagay ito para sa tagumpay ng kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya partikular na sa Lambak ng Cagayan at Rehiyong Cordillera. (PAB-PIA CAR, Kalinga with reports from 5ID DPAO)

https://pia.gov.ph/news/articles/1072853

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.