Posted to Kalinaw News (Sep 26, 2020): 26 Armadong rebelde at 1 supporter, nagbalik-loob sa pamahalaan
Milagros, Masbate – Malugod na tinanggap ng E-CLIP Committee sa pamumuno ni Gov. Antonio T Kho kasama ng mga punong heneral ng SOLCOM, 9ID, 903rd Brigade at PRO 5 ang 26 na armadong rebelde at isang supporter kahapon, Setyembre 22, 2020 sa himpilan ng 2nd Infantry (Second to None) Battalion sa Sitio Baclay, Brgy Bacolod, Milagros, Masbate.
Ito ay matapos iharap ng pinuno ng 2IB na si LTC SIEGFRIED FELIPE F AWICHEN ang 15 NPA, 9 Militiang Bayan (MB), 2 Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) at isang supporter kasama ang 4 na mataas na kalibre at 30 mababang kalibre ng mga baril sa pamunuan ng PTF-ELCAC at E-CLIP Committee ng Masbate upang maitala ang mga ito sa mga benepisyaryo ng E-CLIP.
Ang mga nagbalik-loob ay bunga ng kooperasyon at koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng kasundaluhan, kapulisan at Philippine Coast Guard ng Masbate. Ang mga nasabing miyembro ng NPA ay sumuko matapos nilang maunawaan ng lubos ang mga programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng isinasagawang Modified Community Support Program sa mga liblib na barangay sa probinsya ng Masbate na lubhang naaapektuhan ng insurhensiya.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ng isa sa mga sumuko na si Ka Jimmy ang kasundaluhan sa pagbigay ng bagong pag-asa sa mga tulad nilang naligaw ng landas. “Ako po ay isang captured o huli ng mga militar. Pero doon ko po nakita ang pagpapahalaga sa bayan na hindi pala solusyon ang giyera kundi po sa isang magandang usapan,” wika ni Ka Jimmy.
Siniguro naman ni Ginoong Ben Paul Naz, Provincial Director ng DILG Masbate na maibigay lahat ng benepisyong nararapat para sa mga nagbalik-loob sa pamahalaan.
Pinuri naman ng punong heneral ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army na si MGEN HENRY A ROBINSON JR ang PTF-ELCAC at E-CLIP Committee ng Masbate sa kanilang tagumpay. Pinasalamatan niya ang lahat ng nagbalik-loob sa pamahalaan. “Sa mga kasama natin dito ngayon, nagpapasalamat ako at kayo ay nagbalik-loob na sa gobyerno at nagdesisyong itakwil ang maling ideolohiya na itinuro sa inyo. Ngayong andito na kayo, sa pamamagitan ng E-CLIP mabibigyan kayo ng iba’t-ibang tulong, kaalaman, at kasanayan na inyong magagamit sa pagbabagong buhay. Ito ay tulong ng pamahalaan hindi lamang sa inyo kundi pati na rin sa inyong pamilya at komunidad,” wika ng heneral. Lubos din ang pasasalamat ng heneral sa kagalang-galang na gobernador ng Masbate sa kanyang patuloy na suporta sa kasundaluhan upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa probinsya ng Masbate.
Siniguro naman ng punong heneral ng Southern Luzon Command na si LTGEN ANTONIO G PARLADE JR na hindi magtatapos sa isang sakong bigas at isang pirasong sardinas ang programa at estratehiya ng NTF-ELCAC. Binigyan-diin ng heneral na hindi naniniwala ang pamahalaan sa “TOKENISM” o ang estratehiya kung saan magbibigay ng isang bagay tapos magkakalimutan na. Ayon sa kanya, “hindi po pwede yung ‘TOKENISM’ kapag sinabi nating programa ng gobyerno, totoo yan at may kasunod yan. Hindi pwedeng one-time big time, hindi po pwede yung ganun. Walang iwanan.” Ipinaliwanag din ng heneral ang mga nakalatag na programa kung saan mapupunta ang pondo ng NTF-ELCAC na patuloy namang hinaharangan ng Makabayan Bloc. Dagdag pa ng heneral, “within one year, tapos po ang insurgency kapag seryoso tayo doon sa ating mga programa. Balikan natin ‘yung mga pagkukulang natin, punuan natin ‘yung mga pagkukulang natin, ‘yung mga pangako natin in the past at sa palagay ko mapapadali ang problema dito sa Masbate.”
Nagbalik-tanaw naman ang butihing gobernador ng Masbate na si Hon. Antonio T Kho sa magandang gawain ng kasundaluhan na nagresulta sa pagkakaroon ng Masbate ng pinakamalaking bilang ng sumukong rebelde sa buong bansa na kung saan sa sobrang tuwa ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ito ay bumisita sa araw ng kanyang kaarawan. Pinuri niya ang huwarang gawa ng 2nd Infantry (Second to None) Battalion sa pamumuno ni LTC AWICHEN. Ipinagmalaki din ng gobernador ang apat na palapag na halfway-house na kauna-unahang naitayo sa probinsya. At sa huli, siya ay nanawagan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na bigyan ng libreng gamot, libreng lupa, libreng edukasyon, kabuhayan at sariling bahay ang mga sumukong rebelde.
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/26-armadong-rebelde-at-1-supporter-nagbalik-loob-sa-pamahalaan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.