Thursday, August 6, 2020

CPP/NDF-PKM: Pinakamataas na pagpaparangal at pagpupugay kay Kasamang Fidel V. Agcaoili

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 5, 2020): Pinakamataas na pagpaparangal at pagpupugay kay Kasamang Fidel V. Agcaoili

ANDRES AGTALON
SPOKESPERSON
PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA MAGBUBUKID (PKM)
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

AUGUST 06, 2020



Nagluluksa ang milyong mga magsasaka, magbubukid, at mamamayan sa kanayunan sa pagyao ni Kasamang Fidel V. Agcaoili, Tagapangulo ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Nagbibigay ng pinakamataas na pagpupugay at pagpaparangal ang Pambansang Katipunan ng mga Magsasaka (PKM-NDFP) kay Kasamang Fidel Agcaoili — rebolusyonaryo at proletaryadong internayunalista.

Sumaklaw sa higit limang dekada ng kanyang buhay ang inilaan ni Ka Fidel sa paglilingkod sa sambayanan. Simula nang siya’y naging aktibista noong 1960s, ikinarsela ng diktaduryang Marcos at naging bilanggong pulitikal noong 1970s hanggang 1980s, hanggang sa pagbase niya sa labas ng bansa kung saan siya gumampan ng mahahalagang gawain para sa rebolusyonaryong kilusan.

Pinanday si Ka Fidel ng mga kahirapan at sakripisyo ng pagrerebolusyon at pinayabong din ng puspusang pakikibaka ng mamamayan. Matapat at masigasig niyang itinaguyod ang mga interes at kagalingan ng masang api hanggang sa biglaan niyang pagpanaw nitong Hulyo 23, 2020 sa Utrecht, The Netherlands.

Si Ka Fidel ang isa sa mga pinakadeterminadong nagsulong ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at ng reaksyunaryong gobyerno. Sa pagharap sa peace talks sa GRP, sinsero at buong tatag na tinanganan ni Ka Fidel ang layunin ng NDFP na mawakasan ang mga ugat ng armadong tunggalian at krisis ng lipunang Pilipino, mabigyang solusyon ang malaon nang suliranin ng kawalan ng lupa ng sanlaksang maralitang magbubukid, at magkaroon ng mga makabuluhang reporma para sa mamamayan.

Sa kabila ng mahabang tinakbo at mga pinagdaanang liko at ikot ng usapang pangkapayaan sa pagitan ng NDFP at ng mga nagdaan at kasalukuyang reaksyunaryong rehimen, patuloy na naging matiyaga at optimistiko si Ka Fidel sa hinaharap ng peace talks at sa pagkakamit ng tunay at pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa panlipunang katarungan. Isa si Ka Fidel sa pinakamarubdob ang harangin na palayain sa tanikala ng pagsasamantala ang masang magbubukid, ang mga manggagawa at ang lugmok na sambayanan.

Palaging masigla, alerto, at prinsipyado sa pagharap sa mga negosasyon si Ka Fidel habang mahigpit na tangan ang programa ng NDFP at ang linyang pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Ang mga gawi at halimbawa ni Ka Fidel bilang isang nakakatandang rebolusyonaryo ay lalong nagtataas sa prestihiyo ng PKP, ng NDFP at ng Bagong Hukbong Bayan. Nagbibigay din ito ng inspirasyon sa mga mga nakababatang aktibista at rebolusyonaryo.

Bagamat malungkot ang biglaang pagkawala ni Ka Fidel sa gitna ng umiigting na pakikibaka ng masang anakpawis laban sa pahirap, pasista at papet na si Rodrigo Duterte, maraming siyang iniwan na mga aral at gabay para sa lahat ng mga rebolusyonaryo at sa kilusang magbubukid.

Ipinapaala ni Ka Fidel na dapat palagiang magsikhay sa pag-aaral ng kasaysayan ng lipunan at rebolusyong Pilipino. Gayundin, dapat na magpakahusay sa pag-unawa, at pagsasapraktika ng mga teoryang gabay ng rebolusyon na Marxismo, Leninismo, at Maoismo. “Magpakahusay sa ideolohiya” — ito ang isa sa maraming gintong payo ni Ka Fidel sa lahat ng rebolusyonaryong Pilipino.

Buhay na praktika rin ang pagkilos ni Ka Fidel sa kalahagahan ng mahigpit na pakikipagkapatiran sa iba pang nakikibakang mamamayan ng daigdig, sa layuning pagbuklurin at palakasin pa ang mga kilusang mapagpalaya at kilusang anti-imperyalista para pahinaihan ang kapangyarihan ng mga imperyalista.

Natatanging kasama at rebolusyonaryo si Ka Fidel V. Agcaoili. Ipagbunyi natin ang kanyang buhay, pakikibaka, at kamatayan na inialay sa sambayanan.

Paalam, Ka Fidel. Ang iyong kamatayan ay higit na mabigat kaysa sa Bundok Sierra Madre. Mananatiling buhay ang iyong mga aral at alaala sa puso at isipan ng mamamayang Pilipino. ###

https://cpp.ph/statement/pinakamataas-na-pagpaparangal-at-pagpupugay-kay-kasamang-fidel-v-agcaoili/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.