Tuesday, April 7, 2020

CPP/NPA-Quezon: Pulang saludo kay Ka Angel at mga dakilang martir ng Bagong Hukbong Bayan!

NPA-Quezon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 7, 2020): Pulang saludo kay Ka Angel at mga dakilang martir ng Bagong Hukbong Bayan!

CLEO DEL MUNDO
SPOKESPERSON
NPA-QUEZON
APOLONIO MENDOZA COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
APRIL 07, 2020



Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Apolonio Mendoza Commad – New People’s Army (NPA-Quezon) kay Argie “Ka Angel” Casinillo, at sa lahat ng mga rebolusyunaryong bayani na nagbuwis ng buhay para sa sambayanan.

Gaano man kahaba ang paglalakbay, ulan, init, hirap, gutom — buhay at sakripisyo man ay palaging handang ilaalay ng mga pulang mandirigma ng BHB sa sambayanang Pilipino.

Inspirasyon ng BHB ang masa at ang walang imbot na paglilingkod sa Partido at sa mamamayan. Katulad ng tumatak na sa kasaysayang kasabihan ng dakilang rebolusyunaryong guro sa Tsina na “Ang mamatay ng naglilingkod para sa inaaping sambayanan ay kasing bigat ng bundok Tay (o bundok Sierra Madre sa Pilipinas) at ang mamatay na naglilingkod sa kaaway o naghaharing uri ay kasing gaan lamang ng balahibo.”

Sa gitna ng mga peligrosong gawain ubos-kayang ginagampanan ng Bagong Hukbong Bayan ang pagsasalba sa nagdurusang kalagayan ng mga masang anakpawis sa lalawigan. Sa anyo ng paghahatid ng mga serbisyong panlipunan tulad ng libreng serbisyong medikal at iba pang sosyo-ekonomikong gawain tugon sa kahilingan ng mamamayan, mayroon o wala man ceasefire. Seryoso at tapat na tumatalima ang mga pulang kumander at mandirigma sa pagrespeto sa internasyunal na makataong batas at paggalang sa karapatang pantao.

Sa kabila nito walang pakundangang hinahalihaw, tinatakot at lumilikha ng troma sa masang anakpawis sa lalawigan ang mga pasistang tropa ng AFP-PNP ng rehimeng US-Duterte sa anyo ng mala-Martial law na lockdown at enhanced community quarantine na sinasakyan ng mga militar. Malayo sa tunay layunin nito sa paglutas at pagsupil sa lumalaganap na krisis pangkalusugan kung hindi upang gipitin, harangin ang pagkain at blokeyo sa ekonomya at kontrolin ang galaw ng sambayanan.

Sa likod ng maskara ng unilateral ceasefire lantarang naghahasik ng focused military operations ang AFP-PNP sa tono ng madugong kampanyang kontra-insurhensya laban sa CPP-NPA. At walang ibang biktima ang malawakang operasyong kombat ng mga reaksyunaryong sundalo kung hindi ang mga maralita sa kanayunan at kalunsuran.

Nagresulta ang pag-atake ito ng AFP kahit sa panahon ng sarili nilang ceasefire sa isang labanan noong Abril 1, 2020 sa Sityo Puting Bato, Barangay Whitecliff sa bayan ng San Narciso. Sa labanang ito namartir si Argie “Ka Angel” Casinillo.

Si Ka Angel na ang pamilya na tubong Masbate, ipinanganak sa bayan ng San Francisco, Quezon, 28 taong gulang, binata at mula sa uring magsasaka ay batid na ang kalagayan ng mga maralita sa bayang sinilangan ay balon ng mga maralitang magsasaka na patuloy na nakagapos sa malapyudal na pagsasamantala ng mga nahaharing uri. Sa kabila ng problemang dinanas ni Ka Angel dahil sa mga gawa-gawang kasong ipinataw sa kanya ng mapanupil na estado, nagpursiging hanapin ang daan tungo sa landas ng armadong paglaban.

Bagama’t maiksing panahon lamang nakipamuhay sa yunit ng BHB si Ka Angel, sa unang linggo pa lamang ng pamamalagi sa loob ng hukbo ay nakitaan na si Ka Angel ng inisyatiba sa paglahok tulad ng gawaing produksyon upang ibangon ang kabuhayan ng mga magniniyog na pinadapa ng nagdaang bagyong Tisoy na sumalanta sa lalawigan noong Disyembre 2019.

Aktibong paglahok sa mga arawang gawain ng hukbo. Masikhay na pagdalo sa mga pag-aaral at pagsasanay militar, sa mga talakayan at pampulitikang gawain ng yunit. Maalalahanin sa masa at kasama. At pagtupad sa disiplina at proletaryong aktitud na itinuro ng BHB. Bukambibig din niya sa mga kasama at masa na ang pagtangan ng baril ay upang iputok ang makatwirang hustisya na dudurog sa mga abusadong armadong pwersa ng reaksyunaryong estado at sa bawat punlo ay katumbas ng pagtatanggol sa masa. Higit na naunawaan ni Ka Angel ang mala-impyernong kalagayan sa Asyenda Belt na pinaghaharian ng mga demonyong paginoong maylupa ang mayamang sakahan ng Bondoc-Peninsula

Hindi sa pagkamatay ng mga pulang mandirigma hihinto ang rebolusyon at takbo ng digmaan. Tiyak na higit na malaki pa ang magagawang kabayanihan at pagsasakripisyo ng Bagong Hukbong Bayan. Marami pa ang sisibol at yayabong na mga katulad nilang bayani mula sa uring anakpawis na patuloy na lalahok sa gerang magsasaka. Mamumukad at mamumulat sa ganap na kahulugan ng makauring digmaan na inilulunsad ng mamamayan sa pangunguna ng Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Taas kamaong pagpupugay sa mga dakilang martir ng sambayanan!
Damputin ang kanilang armas na nabitawan at iputok sa tunay na kaaway ng mamamayan!
Isulong ang Digmang Bayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang proletaryado at sambayanang Pilipino!

https://cpp.ph/statement/pulang-saludo-kay-ka-angel-at-mga-dakilang-martir-ng-bagong-hukbong-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.