Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 7, 2020): Makatarungang kahingian ng mga frontliner
Nangunguna sa laban sa pandemyang Covid-19 ang tinatawag na mga frontliner—ang mga manggagawang gumagampan ng delikadong mga tungkulin sa pag-aasikaso sa mga pasyenteng nahawa ng sakit. Sila ang mga duktor, nars, teknisyan at iba pang mga manggagawang pangkalusugan. Para makagampan ng maayos ng kanilang mga tungkulin, inilinaw nila ang kanilang kagyat na mga pangangailangan, gayundin ang kanilang makatarungang mga kahilingan.
Panguhanin dito ang kagyat na pagbibigay ng gubyerno ng mga personal protective equipment (PPE) ng mga manggagawang pangkalusugan. Binubuo ang PPE ng kasuotan, helmet, face shield at iba pang gamit na nakadisenyo para protektahan ang nagsusuot nito laban sa impeksyon. Ang kakulangan nito sa mga ospital ang pinakamatingkad na peligrong kinakaharap ng mga frontliner. Ayon sa Alliance of Health Workers, 26 na manggagawang pangkalusugan na ang nagpositibo sa sakit sa Maynila pa lamang dahil sa kakulangan ng PPE. Hindi bababa sa 12 duktor na ang nahawa at namatay sa sakit.
Kaugnay nito, hiling din ng mga frontliner ang libre at kung kinakailangan, regular na pag-eksamen sa mga manggagawang pangkalusugan.
Dapat ding mag-empleyo at magsanay ng mga regular na manggagawang pangkalusugan upang gumamot sa mga pasyente. Noong 2018, 47% sa mga baryo sa buong bansa ang walang lokal na sentrong pangkalusugan. Kung mayroon man, walang garantiya na may madaratnang duktor o nars na mag-aasikaso sa mga dudulog na pasyente. Lubhang napakalayo ng tumbasang isang duktor sa bawat 33,000 pasyente kumpara sa internasyunal na pamantayan na isang duktor sa bawat 1,000 pasyente. Sa kaso naman ng akomodasyon ng mga pasyente, hindi pa umaabot sa 10 kama sa mga ospital ang nakalaan sa bawat 10,000 indibidwal.
Mula dekada 1980 ay hindi pa umabot sa 5% ng gross domestic product ng bansa ang inilalaan ng gubyerno sa badyet pangkalusugan. Sa kaso ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), binawasan pa ang badyet nito nang 57% noong 2017. Ang RITM ang nangunguna sa pag-eksamen ng mga may sintomas ng Covid-19.
Kasama rin sa listahan ng mga hinihingi ng mga frontliner ang dagdag na sahod, hazard pay at katiyakan sa trabaho.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/04/07/makatarungang-kahingian-ng-mga-frontliner/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.