Wednesday, January 8, 2020

Tagalog News: Panawagan sa pagsuko ng NPA, idinaan sa rally sa San Vicente

From the Philippine Information Agency (Jan 8, 2020): Tagalog News: Panawagan sa pagsuko ng NPA, idinaan sa rally sa San Vicente (By Leila B. Dagot)



Sama-samang lumagda sa 'pledge of commitment' bilang pagdedeklarang persona non grata sa CPP-NPA-NDF ang mga lumahok sa Indignation Rally na idinaos sa bayan ng San Vicente. Nasa larawan sina Municipal Mayor Amy Roa Alvarez (dulong kanan), SFO2 Christine Dahon, Municipal Fire Marshal (pangalawa sa kanan), MLGOO Rustico Dangue ng DILG - San Vicente (pangalawa sa kaliwa), at Police Major Aldrico Nangit, hepe ng Municipal Police Station. (Larawan mula sa LGU-San Vicente)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Enero 8 (PIA) -- Nagkaisa kahapon ang bumubuo ng lokal na pamahalaan ng bayan ng San Vicente sa lalawigan ng Palawan, pulisya, sundalo, mga opisyales ng barangay, kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG), at pribadong sektor para sa isang ‘indignation rally’.

Layon ng aktibidad na mahikayat ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na bumaba, isuko ang kanilang mga armas at magbalik-loob sa gobyerno.

“Ang indignation rally na ito ay hindi tuwirang pakikibaka kundi panghihimok o panghihikayat sa kanila [NPA] na bumaba, ang mga kasama natin na nasa bundok na katulad din natin, walang ibang nilalayon kundi ang kabutihan ng bawat isa,” paliwanag ni Municipal Local Government Officer (MLGO) Rustico Dangue ng DILG- San Vicente.

Ang gawain ay bilang pagsuporta rin sa Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na naglalayong wakasan ang armadong pakikibaka ng rebeldeng grupo, at isulong ang kapayapaan.

“Ang gusto natin ngayon ay maipaabot ang iisang mensahe, na bilang kapwa Pilipino, ang ating mga kapatid na ito ay patuloy sila na bumaba upang mayakap natin at makaisa,” dagdag pa ni Dangue.

Ang programa ay may temang 'Mamamayan ng San Vicente, Sama-sama upang Labanan ang Terorismo, Karahasan, at Kriminalidad para sa Kapayapaan', na sinimulan sa pamamagitan ng motorcade patungo sa covered gym ng munisipyo kung saan idinaos ang gawain.

Samantala, bilang suporta ng lahat ng mga punong barangay at mamamayan, na umaabot sa mahigit 700, dumalo at nakiisa ang mga ito sa pagtitipon. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Featured Image

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.