Wednesday, January 8, 2020

Tagalog News: May martial law o wala, mas paiigtingin pa ng militar ang seguridad sa Caraga

From the Philippine Information Agency (Jan 8, 2020): Tagalog News: May martial law o wala, mas paiigtingin pa ng militar ang seguridad sa Caraga (By Jennifer P. Gaitano)


LUNGSOD NG BUTUAN, Enero 8 (PIA) - Tiniyak ng militar ang patuloy na pagpapatupad ng mahigpit na seguridad kahit hindi na pinalawig pa ang batas militar sa Mindanao.

Ayon kay Brigadier General Maurito Licudine, commander ng 402nd Brigade, Philippine Army, magpapatuloy ang kanilang regular na operasyon at mas paiigtingin pa ang seguridad ng bawat komunidad lalo pa at pinapatupad din ang Executive Order 70 o ang whole-of-nation approach sa pagsugpo ng insurhensiya sa bansa.

Dagdag ng opisyal, marami na ring mga sumusukong miyembro ng New People's Army bitbit ang kani-kanilang high-powered firearms upang mamuhay ng normal at mapayapa kasama ang kanilang pamilya na may maayos na pangkabuhayan.

“May martial law o wala dito sa Mindanao, patuloy pa ring sisiguruhin ng Philippine Army ang seguridad at kaayusan sa rehiyon ng Caraga,” ani ni Licudine.

Dagdag pa ng opisyal, mas magiging maunlad ang rehiyon ng Caraga, maging ang ibang rehiyon sa Mindanao kung mapapanatiling payapa at ligtas ang mga mamamayan dito. Mas marami pang investors na papasok sa lugar.



Sinabi naman ni Col. Allan Hambala, commander ng 401st Brigade na marami ng programa't serbisyo mula sa gobyerno ang pinapakinabangan ngayon ng mga dating rebelde, maliban pa sa ayuda na kanilang matatanggap sa kanilang pagsuko.

Isa na dito ang ipinatayong half-way house sa Agusan del Sur para sa pagbabagong buhay ng mga sumukong rebelde.

Patuloy din nilang tutugisin ang iba pang miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) at masugpo ang kanilang idinudulot na karahasan at pang-aabuso sa mga sektor lalu na sa mga Indigenous Peoples.

“Naka-alerto pa rin ang ating kapulisan at Army at mananatiling nakatutok sa pagsiguro ng proteksyon at seguridad ng mamamayan,” sabi ni Hambala.

Matatandaan din na nagpahayag ng kanyang suporta si Butuan Bishop Most Reverend Cosme Damian Almedilla sa pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao.

“Kung makabubuti naman ang maidudulot ng Martial Law sa Mindanao, susuportahan natin ang implementasyon nito,” pahayag ni Bishop Almedilla. (JPG/PIA-Caraga)

Featured Image

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.